I
Juan, naaalaala mo pa ba, kamakailan lamang, dinanas na hirap at sakuna?
PDAF, lindol, paglusob sa Zamboanga, dinagdagan pa ni Yolanda
Sariwa pa sa isipan, sirang mga tahanan at mga bangkay sa kalsada
Bayan ay nagluksa, may mga nakiramay, meron ding nagsamantala
II
Mga kuwento ay nabuo, posibleng totoo, pwede ring imbento
Kahit pang tele nobela, tatagal kaya ang mga ito?
Madaling makalimot, lalo na kung hindi ka naman talaga tuwirang apektado
May ilan namang handang mamagitan, mag-ayuno para sa tunay na pagbabago
III
Itong nakalipas na linggo, si Juan ay dinapuan ng labis na kalungkutan
Hindi niya maunawaan saan nga ba tutungo, bayang sinilangan?
Mula ulo hanggang talampakan, tadtad ng mga sugat ang buong katawan
Hindi ko maintindihan, hapdi'y 'di alintana na parang walang nangyaring anuman
IV
Pagdakay ngiti'y sumilay sa mga labi ni Juan na balot ng kalumbayan
Kaniyang nabalitaan, ang hinahangaan, nagwagi sa labanan
Naghatid ng karangalan, saglit na nalimutan kapanglawang pinagdaanan
Pagpupugay at pasalamat, masigabong pagsalubong sa bayaning si Pacman
V
Ligayang naramdaman, ginambala ng balita galing sa pamahalaan
Magiting na boksingero, bilyong buwis daw ay tinatakasan
Salaping maraming natutulungan ay biglang pinigilan
Sa tingin niyo kaya, sino ang nasa katuwiran?
VI
Kung media ang pagbabatayan, parang lamang si Pacman
Subalit kung batas ang iiral, mukhang walang kalaban-laban
Huwag magkibit-balikat, akala mo sa buhay, walang kinalaman
Mata ay imulat, nakasalalay dito ang iyong kalayaan
VII
Wika ng kalaban ni Pacman, interes ng pamahalaan, aking protektado
Hindi ba't mga buwis ay kailangan lalo na ng mga mahihirap na tao
Kanino pa ba sila aasa kundi sa tulong ng mahabaging gobyerno
Sa tingin mo Juan, tama ba ang pangangatwirang ito?
VIII
Ibig bang sabihin, interes ng bayan at pamahalaan ay pareho?
Nasa isipan ng gobyerno, kapakanan ng maralitang Filipino?
O kinakasangkapan lang sa retorika ng mga politiko?
Sa personal na interes at pagkamkam ng mga bureaukratiko?
IX
Mabuti pa nga si LusoTan, buwis kaniyang natakasan
Bihasa sa legalidad, nagtago sa mga korporasyong tau-tauhan
E si Pacman, sa bagbagan ay beterano, subalit sa politika'y bagito
Sa BIR kaya ay may laban, milyong man ang suporta ng mga tao?
X
Sama-samang naipong interes at patong na limampung porsiyento
Hindi kataka-taka, umabot tuloy ng apat na daan at dalawampung milyong piso
Ang suma tutal dalawa punto dalawang bilyon, buwis na babayaran ng ating idolo
Kagulat-gulat naman, masahol pa sa tubo ng isang nangutang sa bangko
XI
Buwis ikaw ba talaga ay isang ulan na dumidilig sa bayan?
O ang sumisipsip sa halumigmig upang lupa ay maging tigang?
Taglay mo nga bang talaga ang lunas sa kahirapan?
O ikaw ang sanhi ng paglubog ng ekonomiya ng bayan?
XII
Hindi kaya't higit na mainam, sa halip na mga mamamayan ay pigain
Lalo na kung kinakapos sa nasisingil na pondo para sa mga gastusin
Lansagin ang mga sangay, mga empleyado na hindi kailangan ay patalsikin
Higit bang batid ng pamahalaan, salaping kinikita, kung saan dapat gamitin?
XIII
Tanggap naman natin, pagbabayad ng buwis, tungkulin ng mga mamamayan
Subalit kung ito ay sagabal sa paglaki ng kapital para sa malayang kalakalan
Dapat na suriin, pawalam-bisa, palitan ang batas kung kinakailangan
Lalo na kung ito ay ginagamit para lamang sa kapakanan ng iilan
XIV
Pangarap na pang-ekonomiyang kalayaan, kailanman hindi daratal
Kung turo sa mga maralita, sa pamahalaan sa tuwina ay sumandal
Kailangang matutong tumindig at magkaroon ng pananagutang personal
Tanikala'y mapapatid, tugon ay matatanggap, dalanging inusal ng kay tagal